Ang diva that you love, kaarawan ngayon. ‘Wag ma­ging tampalasan, hindi tamang itanong kung ilang taon na ako. Ang importante, masaya kayong binabasa ang aking mga pitak at nawa’y napapa­ngiti at napapag-isip ko kayo kahit paano.

Ang unang pelikulang tanda kong pinanood ko sa sinehan, Lipad, Darna, Lipad. Aliw, takot at sindak ang tanda kong naramdaman ko.

Ang medyo adult themed movie na una ko ring nasilayan ay Tag-Ulan, Tag-araw tungkol sa bawal na pagmamahalan na namuo sa magpinsan.

Ang paternal lola ko ay Vilmanian. Lagi niya akong sinasama sa sine at la­ging pelikula ni Ate Vi ang a­ming pinanonood o kaya mga pelikula ni FPJ, Dolphy, Chiquito at Lito Lapid.

Ang unang pelikula ni Nora Aunor na aking pinanood ay ang Himala, Pelikula at Lipunan Film Festival.
Dear Heart ang kay Sharon Cuneta at ang kay Ma­ricel Soriano, Inday Bote.

***
Ang una kong showbiz crush, si Aga Muhlach. Ilang beses kong pinanood at nagtitili sa sinehan tuwing may full close up si Mor­ning sa pelikula.

Nabaliw ako nung pinatalon siya sa swimming pool na underwear lang ang suot. Ang ilusyon ko talaga noon, may relasyon kami ni Muhlach. Siya nga ang pinakamatagal kong karelasyon. Nagtagal kami kasi nga hindi naman niya alam na buhay pala ako. Ako lang ang may alam na may relasyon kami! Hahahaha!

Habang umuusad ang panahon, lalo siyang humusay. Best bet ko ang tandem nila ni Lea Salonga. Pati na rin ‘yung kay Regine Velasquez. Masaya ako na kumita ang Seven Sundays at may pelikula siyang ginagawa na kasama si Alice Dixson at Bea Alonzo.

Ang ulimate wish ko, magkasama silang muli ni Salonga. Kahit man lamang sa patalastas. May ideya nga ako. Ang drama, makikita natin si Lea, nakaupo, may binabasang lumang sulat. Sa voice over, maririnig mo ang boses ni Aga.

‘Yun pala, ‘yung the one that got away letter ang maririnig mong sinasambit ni Morning.

Biglang pasok si Aga sa frame, super guwapo, tatanungin si Lea, nakangiti, “Tara na?” Ang reaksyon ni Salonga, “Ang tagal kitang hinintay.” Lea will stand up, in slow mo, tapos maririnig ang Sana’y Maulit muli at saka lang malalaman na sila pala ay nasa fast food chain na identified si Aga. Paano ang ending? ‘Yun ang wala pa akong ideya. Hahaha!
***
Ang mga first family dramas na talagang tumatak sa akin, ang Gabun at Saan Dara­ting Ang Umaga ni the late Direk Maryo delos Reyes.
Sinong mag-aakala na makikilala at makakatrabaho ko si Direk Maryo. Nagkakilala kami sa Cine­malaya. Siya pa nga mismo ang nagpakilala sa akin at sinabing binabasa niya ang pitak ko, araw-araw sa Abante Tonite.

Sa unang ToFarm Film Festival kami nagkatrabaho na mas madalas kaming magkita, magkuwentuhan. Hindi ko makakalimutan ang kanyang pagtawa. Ang kanyang mga plano para sa alaga niya. Ang mga meeting at brainstorming sa kanyang opisina.

***
Bago ako maging showbiz columnist sa Abante Tonite, naging PR Assistant ako sa Metropolitan Theater kung saan tinanggap ko ang una kong suweldo.

Naging Project Development Officer ako, assigned sa National Cinema Program sa National Commission for Culture and the Arts. Ang una kong boss, the late film master, Eddie Romero.

Ang unang theater company na ang unang tahanan ay ang CCP, ang Gantimpala Theater, ang unang dramatic arts company na nagbukas ng pinto sa akin, matapos akong umalis sa NCCA. Isang dekada kong nakasama ang aking mentor, si the late theater icon, at unang Pilipinong nakapag-aral sa Royal Academy of Drama­tic Arts sa London, si Tony Espejo.

Ang una kong byline ay sa Malaya. Matagal akong naging contributor sa Daily Tribune, ang unang major story ko ay tungkol sa StarStruck Playhouse.
***

Ang pinakamatamis na pangyayari sa pagiging kolumnista sa Abante Tonite, sa panahong si Jerry Olea pa ang patnugot, una kong napanalunan ang Best Entertainment Columnist mula sa Gawad Tanglaw, not once but twice. Ako rin yata ang unang kolumnista sa pahayagan na pinarangalan.

Sa pangalawang panalo ko para sa GEMS, ang patnugot ko na ay si Roldan Castro. Ang una kong panalo, si Jerry pa rin ang aking patnugot.
***
Sa mga bumabasa sa aking­ kolum at sa pahayagan, maraming salamat po. Sa bashers at haters, kilala niyo kung sino kayo, at dapat alam na alam niyo na rin na hindi ko kayo papatulan.

Sa mga estyudante, guro, dalubguro, mga OFW at iba pang sumusulat sa akin at sinasabing binabasa nila ako, salamat. Salamat.
Makakaasa kayo more columns na masayang basahin. More pagdadabog ng bangs mula sa diva that you love. Mabuhay, masaya at masagana ta­yong lahat! (Happy birthday Alwin-ED)