Arestado ang tatlong lalaki kabilang ang magkapatid habang tinutugis ang tatlong iba pa matapos pagsamantalahan ang isang 16-anyos dalagita kamakalawa sa Tondo, Maynila.
Hinala ng pulisya, hinaluan ng pampatulog ang alak na ipinainom sa biktimang si Janna, kaya ito nawalan ng malay bago isinagawa ang panghahalay dakong alas-2:45 nang madaling-araw sa Melcalde St., Tondo.
Nasa kustodiya na ng Manila Police District – Police Station 1 at sasampahan ng kasong rape in relation to Republic Act 7610, ang suspek na sina Prince, 20, at kapatid nitong si Paul, 18; at Angelito Gonzalez, 25, salesman. Pinaghahanap naman ang tatlong iba pang suspek na kinilala lang sa mga alyas na ‘Tado,’ ‘Gerald’ at ‘Elmer.’
Sa reklamo ng biktima kay PO1 Genesis Soliven, imbestigador ng MPD-PS1, una siyang inimbitahan ni Paul sa tahanan nito na pinaunlakan naman ng biktima.
Pagdating sa loob ng bahay ay nadatnan na umano nila doon ang lima pang suspek na nag-iinuman na.
Tinagayan ng mga suspek ang biktima pero ilang saglit lang ay nahilo na ito hanggang sa tuluyang mawalan ng malay.
Nang bahagyang magkamalay ang biktima ay naramdamang ginagahasa na siya ni Gonzalez, habang nakangisi umanong nanonood si Prince Jomari.
Gustuhin mang magpumiglas ay ‘di umano magawa ng biktima dahil sa labis na panghihina.
Nang magkamalay at makauwi ay nagsumbong sa magulang ang biktima hanggang sa sinamahan siyang magreklamo sa pulisya.
Sa follow-up operation ay naaresto ang magkapatid pero mariing pinabulaanan ng mga ito na ginahasa nila ang dalagita.
Inamin naman ni Gonzales na nakipagtalik siya sa biktima pero hindi umano siya ang unang gumalaw dito kundi si alyas ‘Tado.’
Nag-alok pa umano si Gonzales na pakakasalan ang biktima upang hindi makulong pero desidido ang biktima at pamilya nito na sila’y kasuhan.
“Gusto ko po makulong sila ma’am. Kasi nag-iisang anak ko lang yan na babae. Naawa rin po ako sa ginawa nila sa anak ko. Iika-ika, hindi makalakad,” umiiyak na pahayag ng ina ng biktima. (Juliet de Loza-Cudia)