Isinasailalim sa pag-aaral ng Philippine Competition Commission (PCC) ang planong pagbili ng Universal Robina Corporation (URC) sa Central Azucarera Don Pedro Inc. (CADPI) ng Roxas Holdings Inc. (RHI) dahil na rin sa magiging epekto nito sa kompetisyon ng sugarcane mil­ling services sa merkado partikular sa Batangas, Cavite, Laguna, at Quezon.

Paliwanag ng Merges and Acquisitions Office (MAO) ng PCC, matapos ang deliberasyon at konsultasyon sa mga apektadong stakeholder, nagdesisyon ang PCC na ibasura ang ‘voluntary commitment’ ng URC at Roxas Holdings dahil hindi nito natugunan nang maayos ang isyu sa magi­ging epekto ng kanilang transaksyon.

Sa ilalim ng isinumiteng ‘voluntary commitment’ ng URC, na pag-aari ng mga Gokongwei sa MAO, tiniyak nito na kanilang tutugunan ang isyu sa kompetisyon kapag nabili nila ang sugar mill.

Sakaling makuha na ang sugar mill, kabilang umano sa ipinangako ng URC ay ang mas mataas na sugar reco­very rate sa loob ng 10 taon.

Nangako rin ang URC na tutulungan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng fertilizer, cash loan, at mechanical harvester at dadagdagan din ang kanilang share sa raw sugar.

Noong Hunyo 2018 pa umano nagbigay ng abiso ang URC para bilhin ang CADPI.

Isinailalim na ito sa preliminary review ng PCC at nagpasyang palawigin pa ng 60 araw ang kanilang pag-aaral sa transaksyon para malaman kung ano ang magiging epekto nito sa merkado ng asukal.
Nasa kamay ng PCC kung matutuloy ang pagbili ng URC sa sugar mill.