Higit na magkakaroon ng magandang pagkakataon ang mga opisyal ng pamahalaang lokal at matiyak ang pangmatagalang benepisyo ng kanilang makabuluhang mga programa kung mapalawig ang termino nila mula sa tatlong taon lamang ngayon.
Sinabi ni Philippine Councilors’ League (PCL) Bicol Regional chair Jesciel Richard Salceda na itutulak ng PCL ang pagpapahaba sa apat o limang taon ang termino ng mga gobernador ng lalawigan pababa hanggang sa kapitan ng mga barangay, kasama ang mga congressmen, sa pamamagitan ng reporma sa Konstitusyon kung maging PCL national chairman siya. Kumakampanya siya ngayon sa pagka-nasyunal chairman ng kanilang liga.
Ayon kay Salceda, nasisikil ang pagsusumikap ng mga lokal na opisyal at patuloy na pagsulong ng mga programa nila sa kanilang nasasakupan dahil ito’y nadidiskaril ng halalan tuwing ikatlong taon. Suportado ng DILG ang ‘term extension’ ng mga lokal na opisyal sa pamamagitan ng amyenda sa Saligang Batas na maaaring maratipika kasabay ng pambansang halalan sa 2022.