Tatlong ulit na dumanas ng aberya kahapon ang mga tren ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na naging sanhi ng matinding pagkaabala ng mga pasahero nito.
Batay sa abiso ng pamunuan ng MRT-3, unang napilitang magpababa ng mga pasahero ang isang tren ng MRT-3 dakong alas-5:52 ng madaling-araw sa southbound ng Ortigas Station.
Pagsapit ng alas-11:28 ng tanghali ay nagbaba muli ng mga pasahero ang isa pang tren nito sa southbound ng GMA Kamuning Station.
Ang ikatlong aberya ay naganap naman sa southbound ng Buendia Station dakong ala-1:56 ng hapon, kaya’t muli itong nag-unload ng mga pasahero.
Pawang technical problem naman ang itinuturong dahilan ng mga naturang aberya, na umabot sa Category 3 status, na nangangahulugang inalis ang mga tren sa linya nang walang kapalit.