Sinikwat nina Alexa Polidario at Erjane Magdato ng University of Negros Occidental (UNO)-Reco­letos ang titulo sa katatapos na Beach Volleyball Republic (BVR) On Tour over sa Basdaku White Beach sa Moalboal, Cebu.

Pinaluhod nina Polidario at Magdato sa finals sina Floremel Rodriguez at Therese Rae Ramas, 21-19, 21-17, ng Cebu upang siluhin ang titulo sa women’s division.

Kinalawit naman nina Jade Becaldo at Rommel Pepito ng Liloan Redline ang back-to-back titles matapos pataubin sina National University duo Bryan Bagunas at James Natividad, 26-24, 21-18, sa men’s finale.

Ibinulsa ng champion teams sa seventh leg ang P50,000 habang P25,000 ang naiuwi ng second placers.

Lumanding sa third place sina Charo Soriano at Bea Tan ng Team Perlas sa women’s division matapos talunin sina Redline pair Jusabelle Brillo at Chona Gesulga, 21-17, 22-20.

Nagpahinga ng limang buwan dahil sa injury, nakipagkampihan si Soriano kay Tan at nahablot nila ang P15,000 sa kanilang pagsisikap.

Tumersero sina University of San Jose-Recoletos Team A tandem Jay Verbosidad at Alastair Gairanud matapos kalusin sina Aizzat at Safwan ng Malaysia, 16-21, 21-16, 15-12.

May 12 women’s at 16 men’s pairs ang lumahok sa two-day spikefest sa sand court.

Pagkatapos ng  Cebu leg, pasisibatin ang BVR National Championship sa July 28-30 sa Anguib Beach sa Sta. Ana, Cagayan.