Unyon nag-news blackout sa CebuPac aberya

Inihayag ng unyon ng mga manggagawa sa Cebu Pacific (CebuPac) na hindi muna sila magsasalita sa media kaugnay ng kinakaharap na krisis sa operasyon ng kompanyang pag-aari ng mga Gokongwei.

“Lately, there seems to be misinformation and disinformation dragging the UNION to create disparity and confusion,” sabi ng Juan Wing Association of the Philippines (JWAP) sa Facebook page nito kahapon.

“JWAP has no plans of speaking to the media at this time until further notice,” dagdag pa nito.

Kabubuo pa lamang ng cabin crew ng CebuPac ng unyon na affiliated sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP)

Scheduling at ang pagsingil sa kanila ng mga uniporme ang ilan sa mga hinaing ng cabin crew ng CebuPac na nasisisi ngayon sa kanselasyon ng mga flight ng airline.

“There are multiple reasons as to why our schedules are always like this, it is not new however things seem to get worse every year,” sabi sa Facebook account ng JWAP na isa sa mga nag-organisa ng unyon.

Kabilang umano sa mga pangunahing dahilan ay ang manpower.
“Why? Aren’t we continuously hiring? The rate of the company hiring can’t keep up with ca­bin crew leaving the company. Not to mention additional flights, crew on ufn status, crew on sick leave because of fatigue caused by schedules,” sabi ng opisyal ng union.

Ang JWAP at ang CebuPac ay kasalukuyang nag-uusap para sa collective bargaining agreement subalit bago pa man iyon mag-umpisa, may naninira na sa unyon.

Nabatid na may nag-email blast sa mga office email ng mga cabin crew gamit ang isang Gmail account na naglalayong siraan ang pagtatayo ng unyon.

Samantala, ipinahayag kahapon ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi umano dapat ibunton lahat ang sisi sa CebuPac sa mara­ming kanselado ng kanilang mga flight nitong mga nakalipas na araw.

“May reason naman sila. We cannot blame them dahil talagang may problema ang traffic… lahat tayo apektado diyan eh. Ang solus­yon diyan, kailangan marami tayong airport. Wala ngang problema ang PAL pero maraming delay, apektado rin tayo lahat. Ang nakikita ko niyan talagang we need new airports. We have to expand and improve our airport facilities,” ani Panelo.

Sinabi ng kalihim na sa pagkakaalam niya tuloy ang plano para sa pagpapatayo ng bagong airport sa Bulacan para mabawasan ang matinding traffic sa mga pangunahing paliparan sa bansa. (Eileen Mencias/Aileen Taliping)