UP: 7K coronavirus carrier wala sa DOH report

Dapat pa ring isailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila, at iba pang coronavirus high-risk area, dahil higit 7,000 pa ang COVID-19 positive na hindi pa nababalita ng Department of Health (DOH).

Ito ang pagtingin ng mga mananaliksik mula sa University of the Philippines (UP) hinggil sa posibleng paglalagay na sa Metro Manila sa ilalim ng general community quarantine simula sa Hunyo 1.

Batay umano sa ulat ng 36 testing center, may 7,119 pang indibidwal sa Pilipinas ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pero hindi pa kabilang sa official count ng DOH.

Lumabas din sa kanilang pag-aaral na batay sa datos ng DOH, walang pagbabago sa week-to-week number ng mga bagong COVID-19 case sa Metro Manila sa unang 10 araw ng pagpapatupad ng MECQ simula Mayo 16 hanggang Mayo 25.

Sa nasabing panahon, ang average number umano ng mga bagong COVID-19 case sa Metro Manila ay lampas lima sa kada araw, sa kada 1 milyon ng populasyon.

Dagdag pa, nagtala anila ang Makati, Las Piñas at Pasay ng pinakamalaking week-to-week increase sa mga bagong COVID-19 case, na tumaas ng 170%, 60% at 58%, ayon sa pagkakasunod, kaysa sa nagdaang linggo.

Umakyat din ang bilang ng mga bagong COVID-19 case sa Manila, Taguig, Muntinlupa, Caloocan at Pateros, ayon sa pag-aaral ng UP research team.

“While such increases cannot be attributed to MECQ at this time, there remains the possibility that a transition from MECQ to GCQ could exacerbate the increase in new Covid-19 cases in these LGUs further undermining the government’s efforts to control the transmission of COVID-19,” wika ni UP Diliman Political Science Assistant Professor Ranjit Rye, miyembro ng research team.(SDC)