Dumanak ang dugo sa isang bahagi ng Barangay UP Campus sa Quezon City matapos na magkaengkwentro ang mga awtoridad na nag­latag ng buy-bust ope­ration sa puntiryang tulak at isa pa kahapon ng madaling-araw sa nasabing lungsod.

Bago ang madugong engkwentro, napag-alaman kay SPO3 Radulfo ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) na alas-2:45 ng madaling araw ng mangyari ang insidente sa UP Aburetum St., Brgy. UP Campus, Quezon City.

Sa ulat ni SPO3 Ra­dulfo, CIDU, mayhawak ng kaso, nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng mga suspek at mga operatiba ng QCPD station Anti Illegal Drugs-Special Operation Task Group (SAID-SOTG) ng Police Station-9 sa pa­ngunguna ni P/Senior Insp. Agustin Ubilas.

Nauna dito ay isang buy-bust operation umano ang ikinasa ng SAID-SOTG kung saan nagkunwaring bibili ng halagang P500 shabu si PO1 Dexter Rosas sa mga suspek.

Matapos ang tran-saksyon ay nakatunog umano ang suspek na si Rommel Esguerra y Gorospe, 40, binata ng No. B-8C, UP Diliman, Employees Village at hindi pa nakilalang kasama nito na nasa pagitan ng 25-30-anyos, may taas na 5’7, payat, may mga tattoo ng dragon sa kanang kili kili, bituin sa leeg at bulaklak sa kanang pulso na parak ang kanilang ka-deal kaya naalarma at nagbunot ng kanilang mga baril.

Gayunman hindi na nakaporma pa ang mga suspek sa pulis at inunahang paputukan ang dalawa na kanilang ikinasugat.

Tinangka at itinakbo pa sa East Avenue Me­dical Center ang mga suspek subalit kapwa idineklarang dead on arrival.

Narekober sa crime scene ng mga awtoridad ang isang kalibre .45 baril na may anim na bala at isang kalibre. 38 na baril; mga basyo ng bala, at limang piraso ng sachet ng shabu.

Si Esguerra ay itinuturing sa top drug personality sa lugar.

One Response