Sinisiyasat na ngayon ng pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) at ng UP Police ang nangyaring rambulan sa pagitan ng dalawang magkalabang fraternity group sa loob ng campus ng University of the Philippines (UP) sa Diliman, Quezon City.
Iniimbestigahan ng dalawang team ang dahilan ng naging girian ng mga miyembro ng Upsilon Sigma Phi at Alpha Phi Beta (APB) nang magkasalubong sa Palma Hall ng unibersidad noong Nobyembre 13, dakong alas-5:30 ng hapon.
Sa ulat, 25 miyembro ng frat ang nagsigawan at nagrambulan sa hindi malamang dahilan at naawat lamang ang mga ito nang dumating ang mga security guard at UP Police.
Tatlong miyembro ng APB ang dinala sa UP Infirmary matapos magtamo ng mga pasa.
Kinondena ng UP Law Student Government ang insidente kaya bubuo umano sila ng fact-finding committee para makakuha ng mga impormasyon upang mapanagot ang nagsimula ng kaguluhan.