Napakawalan ng Far Eastern U ang two-set lead pero nakabawi nang maghigpit sa depensa sa deciding set para igapang ang 25-23, 25-23, 21-25, 21-25, 15-9 win laban sa University of the Philippines sa opener ng best-of-three series para sa third place ng Shakey’s V-League Season 13 Collegiate Conference.
Sa PhilSports Arena sa Pasig, nagpakawala si Heather Guino-o ng 23 hits na kinapalooban ng 19 attack points, naglista si Toni Rose Basas ng 21 hits para sa Lady Tamaraws.
Tinapos ng FEU ang match sa loob ng 1 hour, 57 minutes.
Maagang rumatsada ang Lady Tams, top-seeded team pero nasilat sa Ateneo sa Final Four, nang madaliin ang first two sets. Pero ayaw bumigay ng Lady Maroons, pininturahan ang next two para makapuwersa ng decider.
Tumabla pa ang UP sa 6-6 sa likod ng matikas na laro ni Isa Molde, pero sinuwag ng FEU ang next four points tampok ang back-to-back blocks.
Tatlong sunod na hits muli ang pinakawalan ng UP pero sumagot ng limang sunod na puntos ang FEU bago naselyuhan ang panalo nang mapalakas ang spike ni Nicole Tiamzon.
Puwede nang tapusin ng Lady Tams ang serye sa Game 2 bukas sa parehong venue.