Habang tumatagal, lalong bumabangis ang University of Sto. Tomas matapos walisin sa tatlong sets ang University of the Philippines, 28-26, 25-19, 25-18 kahapon sa 13th V-League Reinforced Conference sa PhilSports Arena.
Sa unang laro, nilunod ng Pocari Sweat ang Coast Guard 25-17, 25-9, 25-16 at bumawi ang Water Defenders mula sa five-set setback sa Air Force.
Naglista ng 14 hits kabilang ang four aces ni Michelle Gumabao, may tig-10 hits sina imports Breanna Mackie at Kay Kacsitis sa Pocari Sweat na umangat sa 1-1 katabla ang Air Force at Laoag.
Hindi pa naglaro si Cherry Rondina dahil maganda ang inilaro ni Carla Sandoval, nasungkit ng Tigresses ang malinis na apat na panalo at manatili sa tuktok.
“Communication at teamwork ang nakikita kong susi sa mga panalo namin,” wika ni best player of the game Sandoval na nagtala ng 14 points 10 attacks at two blocks.
Ipinahinga muna si Rondina na nagkampeon sa katatapos ng UAAP season LXXIX beach volleyball tournament katambal si Jem Gutierrez.
“Nag-text si Sisi (Rondina) kanina sabi ko huwag ka muna maglaro magpahinga ka na lang,” saad ni UST coach Kungfu Reyes.
Kahit nasa top spot ang UST, may mga konting problema pa sa kanilang team, ayon kay Reyes.
“Improve pa namin ‘yung first ball at ‘yung endgame,” ani Reyes.
Dikit ang laban sa set 2, lamang lang ng dalawang puntos ang UST bago humataw ng apat na sunod na puntos ang Tigresses para lumayo sa 12-6.
Lalo pang ginanahan ang Tigresses pagkatapos ng second technical timeout, nilista ang biggest lead sa set 24-15 at nagtuluy-tuloy na sa panalo at naniguro ng playoff sa last semis berth.
Laglag sa 1-2 ang Lady Maroons.