Mga laro ngayon (MOA Arena)
2:00 p.m. — NU vs. UP
4:00 p.m. — UST vs. FEU

Para makaiwas na malubog sa standings, kahit butas ng karayom ay dadaanan ng University of Sto. Tomas at University of the Philippines para makasilo ng panalo sa LXXIX Season ng UAAP men’s basketball tournament.

Nakatambay ang Tigers sa pang-anim na puwesto tangan ang 2-3 karta, haharapin ang matigas na Far Eastern University Tamaraws sa second game mamaya sa Mall of Asia Arena.

Nakaupo sa seventh place ang Fighting M­aroons kalong ang 1-5 card, toka nila sa first game ang mabangis na National University Bulldogs.

Galing sa pagkakadapa ang UST at UP habang parehong nagwagi ang defending champion FEU at NU sa huling laban.

Nalugmok ang host Tigers sa Bulldogs, 68-75, yumuko ang Maroons sa Tamaraws, 49-51.

Kahit natalo, parehong lumaban nang sabayan ang UST at UP.

Kumapit ang Maroons hanggang dulo, nalusutan lang ni Monbert Arong nang isalpak ang pamatay na turnaround jumper 14.6 seconds na lang sa orasan.

Ipinakita naman ng Tigers na kaya nilang humabol, mula sa 25 puntos na abante ng Bulldogs ay naibaba ito sa single digits.