Upang madaanan, Taguig aayusin ang mga tiwangwang na bangketa

Dahil sa ginawang clearing operation sa kalsada, nakatakdang magsagawa ng beautification o pagpapaganda ang Pamahalaang Lungsod ng Taguig upang hindi maiwang nakatiwangwang at para madaanan ng publiko ang mga lumuwang na bangketa.

Sa ilalim ng Executive Order na inilabas ni Taguig City Mayor Lino Cayetano, pinag-utos ang “4-phase approach” sa pagtiyak na mabilis ang biyahe ng mga motorista at maging mga pedestrian sa mga kalsada at bangketa sa lungsod.

Kabilang dito ang restorasyon sa mga kalsada at bangketa na isinailalim sa clearing operation.

Isasagawa ng pamunuan ang pag-aayos upang matiyak na mapakikinabangan ang mga lumutang na bangketa at kalsada at mapananatili na walang harang sa mga ito.

Karamihan sa reklamo ng mga biyahero, maging sa ibang lungsod, ang mga bangketa na hindi pa rin madaanan ng publiko dahil sa mga kalat buhat sa istrukturang tinibag at giniba, at pinabayaan na lamang ng lokal na pamahalaan matapos ang paglilinis.

Binuo sa Taguig ang Mobility Office at Mobility Task Force para ipatupad ang utos ng alkalde.

Ipinasa rin kamakailan ang Taguig Vehicular and Pedestrian Mobility Ordinance.

Sa kasalukuyan, wala nang nakikitang mga tindero at iligal na istruktura sa mga kalsada at bangketa dahil sa mahigpit na pagbabantay ng lungsod. (Armida D. Rico)