Uragon vlogger na nagpanggap na may nCoV nasampolan

Nahaharap sa kaso ang isang vlogger matapos itong magkunwari na biktima ng 2019 Novel Coronavirus (nCoV) at humiga sa harapan ng isang mall Linggo ng hapon sa Legazpi City, Albay.

Sa ulat ni Police Capt. Dexter Panganiban, tagapagsalita ng Albay Police Provincial Office (PPO), nakatakdang sampahan ng kasong alarm and scandal sa pulisya ang suspek na si Marlon De Vera, ng Uragon Vlogger, taga-Barangay Bigaa ng nasa­bing lungsod dahil sa pagba-viral ng kanyang prank sa social media.

Sa viral video, nakahiga si De Vera sa harapan ng Yashano mall sa Brgy. Bitano ng lungsod na ito dakong alas-sais ng gabi at kunwari ay nangingisay dahil sa mayroon umano siyang sakit na 2019 nCoV.

Sa salaysay ng security guard ng Yashano mall na si Rolando Frondozo, nakita niya ang isang lalaki na mabagal ang pagla­lakad at pagsapit sa entrance ng mall ay biglang humiga at sinabi nitong mayroon umano siyang nCoV habang ang kasabwat niya ang siyang kumukuha ng video.

Maya-maya ay bigla na lang bumangon si De Vera at nag-exercise pa na tila walang nangyari sabay sabing prank lang ang kanyang ginawa.

Karamihan naman sa nakapanood ng video ni De Vera ay nabanas at puro negatibo ang komento. Naapektuhan din ang negosyo ng mall dahil sa takot at pag-aakalang may nCoV na sa lugar.

Sa panibagong vlog ni De Vera ay humihingi ito ng tawad sa kanyang mga subscriber at inamin nito ang kanyang pagkakamali.

Nakiusap din ito sa pamunuan­ ng mall dahil sa planong pagsampa ng kaso laban sa kanya. (Edwin Balasa)