Holdover capacity at walang appointment na mangyayari sa mga barangay officials matapos na tuluyang suspendihin ng Kamara sa barangay elections na dapat ay nakatakda sa Oktubre, taong kasalukuyan.
Dahil suspendido ang eleksyon, itatakda na lamang ang barangay at Sangguniang Kabataan election sa Mayo 28, 2018 kasabay ito sa gagawing plebisito para sa Charter Change at Bangsamoro Basic Law sa nabanggit na petsa.
Alinsunod sa napagkasunduan sa Kamara ang mga incumbent officials ay mananatili sa kani-kanilang puwesto.
Taliwas sa naunang isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte na papalitan ang mga barangay chairman para maalis sa puwesto ang mga opisyal na sangkot sa illegal drugs.
Oktubre 2013 pa nang huling magkaroon ng barangay election sa bansa.
Sakali namang hindi matuloy ang plebisito sa ChaCha sa Mayo 2018 ay muling isusulong ng Kamara na ipagpaliban umano ang barangay elections.
Mabuti na ring napagdesisyunan na nang maaga ang suspensyon ng SK at barangay eleksyon upang makatutok na ang mga kasalukuyang opisyal sa kani-kanilang trabaho at isantabi muna ang pamumulitika.
Habang makatutok naman sa pagkakataong ito ang Comelec sa iba nilang mga nakabinbin na mga trabaho.
Kanya nga lamang ay may negatibong implikasyon ang ginawang suspensyon ng eleksyon sa mga abusadong barangay chairman at SK officials dahil maipagpapatuloy nila ang kanilang kalokohan.
Dahil tila nakagapos ang ating mga kamay sa desisyong ito ng Kongreso, ang pinakamabuti na lamang nating gawin ay magbantay at huwag magbulag-bulagan sa maling ginagawa ng mga opisÂyales ng barangay at SK upang sa gayon ay matapos na ang kanilang paghari-harian at matitinong mga opisyal na ang mailuklok.