US citizen, kasambahay ninakawan, pinatay sa Pangasinan

PATAY ang isang babaeng U.S. citizen at kasambahay nito matapos matagpuan sa loob ng kanilang bahay sa Dagupan City, Pangasinan noong Biyernes.

Kinilala ni Dagupan City Police Station (DCPS) deputy commander P/Major Rizalino Suarez ang mga biktima na sina Rosalina Esteves, 60, isang U.S. citizen at ang kasambahay nitong si Lorenza Bautista 40, ng Brgy. Lasip Grande sa nasabing siyudad.

Sinabi ni Suarez, na hanggang sa kasalukuyan ay walang anumang impormasyon kung sino ang pumatay sa mga biktima at ano ang motibo nito.

Sa paglalarawan ng mga pulis, nakitaan ng dugo ang ulo ni Bautista habang si Esteves ay walang tinamong sugat o kahit pa mga galos.

Ayon sa DCPS posibleng ginahasa ang kasambahay (Bautista) dahil wala na ang pang ibabang saplot nito habang nawawala din ang mga alahas ni Esteves.