Patay ang isang US citizen matapos siyang pagbabarilin sa likod ng kanyang katawan habang papauwi na ito sa kanyang tinitirhan sa Barangay Poblacion, Lingayen, Pangasinan noong Biyernes.
Kinilala ang biktima na si Justin Becker, naninirahan sa nasabing barangay.
Ayon kay Lingayen Police Station chief-of-police P/Lt. Col. Theodoro Perez, base sa kanilang inisyal na imbestigasyon, pauwi umano sa kaniyang apartment nang ito ay pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek ilang metro lamang ang layo mula sa kaniyang tinitirhan.
Sinabi ni Perez, nagtamo ang foreigner ng mga tama ng bala ng baril sa kaniyang katawan sanhi ng kanyang agaran pagkamatay.
Ayon sa salaysay ng ilang kapitbahay ng biktima, may narinig diumano silang ingay ngunit inakala lamang nila na may pumutok lamang na gulong.
Ayon sa pulisya, wala din umanong masyadong impormasyon na nakuha sa biktima dahil hindi ito madalas na nagkwekwento sa kaniyang mga kapitbahay ngunit napag alaman na isa itong negosyante at kasalukuyang wala itong kasama sa kaniyang tinutuluyan dahil nangibang bansa ang asawa nito. (Allan Bergonia)