Posibleng magkatapat ang Pilipinas at US sa 42nd Chess Olympiad. Kung mangyayari ito, makakalaban ng mga Pinoy ang dating kababayan at ngayo’y pambato na ng Amerikang si GM Wesley So sa torneong gaganapin sa Crystal Hall sa Baku, Azerbaijan sa Setyembre 1-14.
Binunyag ni National Chess Federation of the Philippines (NCFP) secretary-general GM Jayson Gonzales ang pagsalpok ng bansa sa 22-anyos na si So, na siyang mamando sa board 3 ng US team.
“May possibility but depende sa pairings,” sambit ni Gonzales sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Shakey’s Malate sa Manila kahapon ng umaga.
Huling nagpang-abot ang at Philippines at US sa 37th CO 2006 sa Turin, Italy at natalo ang una sa huli sa third round, 1.5-2.5, pahinga si So sa laban.
Pangalawang sunod na itong kasama si So ng mga Kano makalipas maging coach ng US women’s team sa 41st CO 2014 sa Tromso, Norway.
Nabuwisit si So sa Philippine Sports Commission dahil sa hindi pagkakaloob ng insentibo sa kanya nang hablutin ang gold medal sa Kazan 2013 Summer Universiade dahil umano sa politika sa sports.
Kahit wala si So sa lineup ng Pilipinas, kumpiyansa pa rin si Gonzales na lalaban nang husto ang bansa.
“We always believed that someday, sa tamang panahon, babalik din siya,” hirit ni Gonzales sa mga pabalitaktakan ng San Miguel Corp, Accel, Shakey’s, at Philippine Amusement and Gaming Corp. “Parang anak lang ‘yan na nawala pero alam mo babalik din.”
Pasok na sa five-man team sina GMs Rogelio Antonio, Jr. at International Master Paulo Bersamina habang sa women’s ay sina Woman IMs Janelle Mae Frayna, Jon Jodilyn Fronda at Catherine Perena. Pending pa ang tigalawang kasapi.