US nuclear weapon sa ‘Pinas kakalkalin

Magsasagawa ng imbestigasyon ang pamahalaan para malaman kung nag-deploy ang Amerika ng mga nuclear weapon sa Pilipinas.

Sinabi ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kaugnay ng naunang pahayag ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte na hindi nito alam kung nagdala ng mga nuclear weapon ang Amerika sa bansa.

“Iyong America — we will be hit because the arms are here and I really do not know — walang accounting if there are already nuclear arms inside the Philippines brought in by the Americans,” pahayag ng Pangulo sa kanyang talumpati sa harap ng mga local chief executive na ginanap sa SMX Convention Center sa Pasay City noong Lunes, Pebrero 10.

Binanggit ng Pangulo ang mga ulat kamakailan hinggil sa na-detect umano ng Phi­lippine Navy na US submarine sa karagatan ng Palawan at sinabing hindi man lang humi­ngi ng pahintulot ang Amerika hinggil dito.

“You know a few weeks ago, if you are ­reading the newspapers, the Philippine Navy was able to detect a US submarine sailing over — underwater, but sailing over Palawan. Hindi lang man sila nagpepermiso.

They just really think that we are a bunch of,” anang Pangulo.

Matatandaang inihayag ni Philippine Navy flag officer in command Vice Admiral Robert Empedrad kamakailan na mayroong na-detect ang bago nilang anti-submarine vessel na BRP Conrado Yap sa karagatan ng Palawan na isang US submarine habang nagpapatrulya ito noong Nobyembre 2019. (Prince Golez)