Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang US pedophile na wanted sa bansa nito matapos ang isinagawang operasyon sa pinagtataguan nito sa Angeles City, Pampanga.

Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang naarestong suspek na si Donald Ste­ward Hammond, 77-anyos, matapos ang mahigit sa dalawang taong pagtatago sa bansa.

Base sa impormasyon, nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Fugitive Search Unit (FSU) sa bisa ng mission order na inilabas ni Morente at sa hi­ling ng US embassy sa Manila na madakip si Hammond at agarang mai-deport pabalik ng US.

Isang impormasyon ang natanggap ng BI hinggil sa pinagtataguan ng nasabing dayuhan sa loob ng isang silid sa Oasis Hotel sa kahabaan ng Clark Premiere Road sa Angeles City, Pampanga kung saan ito nadakip.