Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Amerikano na wanted sa bansa nito matapos matagpuan sa lalawigan ng Pampanga.

Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang nadakip na dayuhan na si Ronald Omar Pelletier, 70, isang wanted ng pedophile at wanted ng federal authorities sa Florida, USA.

Base sa ulat ng fugitive search unit (FSU) ng BI, nakatanggap ang mga ito ng impormasyon na nagtatago ang nasabing dayuhan sa Paulette Street, Josefa Subd., Brgy. Malabanias, Angeles City kung kaya’t agad na nagsagawa ng operasyon na nagresulta sa pagkakadakip nito.

Ayon kay Morente, may warrant of arrest na inilabas ang US district court sa Florida laban kay Pelletier matapos na labagin nito ang kanyang parole nang hindi ipaalam ang pinagtataguan nito.

Sa record ng BI, dumating sa Pilipinas si Pelletier noong Mayo 20 ng kasalukuyang taon at hindi na muling nagpakita sa kanilang tanggapan.

Hinatulan ang na­sabing dayuhan ng US Florida court ng 18-buwang pagkakakulong at limang taong supervised release kasunod ng hatol dahil sa pagkakaroon ng child pornography noong Setyembre 21 ng nakaraang taon at pinagmulta ng US$10,000.