US President Trump ‘no show’ sa ASEAN summit

Tiwala ang Pilipinas na hindi pagmumulan ng dahilan para magkalamat ang relasyon ng Amerika at mga bansa sa Asya ang hindi pagdalo ni United States President Donald Trump sa 35th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit sa Bangkok, Thailand.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na ilang dekada na ang relasyon ng Amerika at ASEAN at hindi basehan ang hindi pagdalo nito sa isang pulong para mabago ang relasyon.

Mayroon naman aniyang ipinadalang opisyal si Trump na kakatawan sa kanya sa ASEAN summit sa katauhan nina US National Security Advisor Robert O’Brien at Commerce Secretary Wilbur Ross.

Binigyang-diin ni Andanar na hindi lamang limitado sa Estados Unidos ang relasyon ng ASEAN, kundi marami pang ibang bansa.

“I am pretty certain that the United States will be well represented by US officials, and that will represent Do­nald Trump, would be his alter ego,” ani Andanar.

Mananatili aniyang matatag at masigla ang ASEAN bilang orga­nisasyon, kabalikat man ang Amerika o hindi.

“Absence in an ASEAN summit like this would not change the equation of our relationship,” dagdag pa ni Andanar. (Aileen Taliping)