US tinabla ng `Pinas sa binebentang chopper

Hindi na interesado ang gobyerno na bumili ng mga attack helicopter sa Estados Unidos kahit pa pumayag na ito na magbenta ng mga military equipment sa Pilipinas.

Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa press briefing sa Malacañang Miyerkoles ng umaga, 2017 pa nang ipinaabot ang interes ng gobyerno na bumili ng Apache at Viper attack helicopter pero inabot ng mahigit dalawang taon bago sumagot at pumayag ang United States government.

“Itong US kailangan ng go signal ng State Department kung magbebenta sila. Inabot ng I think almost two years bago nila nasagot itong ating mga tanong,” ani Lorenzana.

Bukod dito, masyadong mahal aniya ang presyo ng mga attack helicopter ng US kaya sa ibang mga bansa na lamang maghahanap ang Department of National Defense (DND).

Nabatid na mahigit P100 bilyon ang halaga ng anim na Boeing Apache AH-64E at anim na Bell Viper attack helicopter na gustong ibenta ng Amerika sa Pilipinas.

Sinabi ni Lorenzana na hindi kaya ng gobyerno ang halaga ng mga ibinebentang attack helicopter ng US dahil ang budget ng Pilipinas ay P13 bilon para sa mga bibilhing armas ng DND.

“Hindi natin kaya `yon, ang pera lang natin na nakalaan para sa pagbili ng air assets ay P13 billion lang. Kung bibili tayo ng attack helicopter na ganyan ang halaga ay baka isa o dalawa lang ang mabibili natin,” dagdag ni Lorenzana.

Naghahanap na aniya ang DND sa ibang mga bansa kung saan makabibili ng mga attack helicopters na mas mura pero marami sa halip na ang ibinebenta ng Amerika.

Sinagot na rin ni Lorenzana ang batikos ng mga kritiko at kuwestiyon ng ilang sektor kung bakit kailangang bumili ng mga attack helicopter sa halip na ibigay na lamang ang pera sa mga tao.

Sinabi ng kalihim na ititigil ng gobyerno ang pagbili ng mga armas kung titigil ang kilusang komunista sa kanilang pakikipaglaban at panggugulo sa gobyerno.

“Fifty years na kayong nanggugulo diyan, gusto nyo mapigilan kaming mag-angkat ng mga panlaban sa inyo pero hindi nyo naman ititigil iyong inyong ginagawang armed struggle,” wika ni Lorenzana. (Aileen Taliping)