US troops pumusisyon na sa Marawi conflict

Nag-umpisa nang sumaklolo ang US special forces sa mga tropa ng militar at pulisya na tumutugis sa terorista sa Marawi City.

Sa inilabas na paha­yag kahapon ng US Embassy sa Manila, nakasaad na dahil sa kahilingan ng gobyerno ng Pilipinas, tumutulong ang U.S. special operations forces­ sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa nangyayaring operations sa Marawi sa pamamagitan ng suporta na makaka­tulong sa AFP commanders sa kanilang pakikipagbakbakan laban sa Maute at Abu Sayyaf Group (ASG) militants.

Ngunit nilinaw ni Lieutenant Colonel Jo-Ar Herrera, tagapagsalita ng 1st Infantry Batta­lion ng Philippine Army, na ang presensya ng US forces sa Marawi City ay para lamang sa tulong na teknikal.

Mayroon umanong umiiral na kasunduan ang Pilipinas at Amerika patungkol sa pakikipaggiyera sa terorismo.

“Well sa US, meron tayong agreement with the US counterparts in terms of combating terrorism. Katatapos lang ng Balikatan. These are all pertaining to exercises, training, technical assistance. ‘Yan po ang ating cooperation with our US counterparts,” ani Herrera.

Gayunman, hindi na dinetalye ni Herrera kung kabilang sa teknikal na ayuda ng US military ang paggamit ng aerial vehicles na walang taong nagmamando.

“For security reasons, we are not able to discuss specific technical details of U.S. support for ongoing AFP operations,” dagdag nito.

Namataan umano noong Biyernes ang spy plane ng US na lumilipad sa himpapawid ng Marawi City.

At sa Lunes, Hunyo 12 ay tina-target na mapalaya ang Marawi City mula sa terorismo ng Maute.