Hindi paaalisin ng Department of National Defense (DND) ang natitirang tropa ng United States (US) na nakabase sa Mindanao partikular na sa Zamboanga City dahil malaki ang pakinabang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang intelligence gathering work na nagagamit ng mga sundalo sa kanilang operasyon.
Ito ang inamin kahapon ni DND Secretary Delfin Lorenzana sa kanyang pagharap kahapon sa House committee on appropriation para idepensa ang pondo ng kanyang tanggapan sa AFP sa susunod na taon.
“I think we requested (them) to stay behind to manage and provide us ISR (Intelligence Surveillance Reconnaissance),” ani Lorenzana nang tanungin ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago kung kailan aalis ang tropa ng Amerika sa Mindanao kasunod ng pagpapalayas umano sa mga ito upang hindi mabiktima ng Abu Sayyaf.
Ayon sa DND chief, ang trabaho lamang ng mga dayuhang tropa ng Amerika sa Zamboanga na nakabase sa Camp Navarro ay pagma-manage sa kanilang military assets.
Wala umanong kagamitan ang AFP tulad ng mga mina-manage ng US troops sa Mindanao kaya hindi paaalisin ang mga ito sa nasabing kampo.
Ayon kay Lorenzana, mula sa dating 600 na tropa ng Amerika na nakabase sa Mindanao ay bumaba na ito sa 107 na kinabibilangan ng 50 marines, 70 Army, 20 special force at iba pa.