Kung paksang malapit sa bituka ang pag-uusapan, lalo na sa mga kababayan nating masa, wala na sigurong mas hihigit pa sa bigas dahil ito ang nagpapalaman sa kumakalam nilang tiyan.
Aba’y kahit sabaw lang ng ulam, kahit nga kape o tubig na nilagyan lang ng asukal, o nilagyan ng dinikdik na asin, eh makararaos na ang gutom na sikmura basta’t mayroong kanin-bahaw man ‘yan o bagong saing.
Ngunit hindi lahat ng bigas ay puwede o kaya ng bulsa ng masang nagdarahop. Hirap tiyak ang mga mahihirap na kayanin ang mga commercial rice na umaabot sa P40 hanggang P60 ang bawat kilo.
Ang bigas pa rin ng masa ay ang NFA rice, o bigas mula National Food Authority na wala pang P29 bawat kilo ang halaga. Pero papaano kung biglang maubos ang NFA rice?
Nitong nakaraang mga linggo, tila nagkaroon ng kalituhan mula sa mga ahensiyang may nalalaman o namamahala sa produksyon ng bigas kung sapat ba o kulang ang suplay ng bigas sa bansa.
Sabi kasi ng Department of Agriculture at NFA, sapat ang bigas sa tulong ng produksyo ng mga lokal na magsasaka kaya hindi kailangang mag-angkat o mag-import.
Pero iba ang sinasabi ng inter-agency National Food Authority Council, ang lupon na kinabibilangan ng iba pang ahensiya at nagpapasya kung dapat o hindi dapat umangkat ng bigas.
Kahit lumalabas sa mga ulat na ilang araw na lang ang itatagal ng rice inventory sa NFA, sinasabi pa rin na walang rice shortage dahil sapat daw ang lokal na produksyon. Pero gayunman, dapat daw na mag-angkat.
Sapat ba talaga ang bigas o may nais lang gumawa ng hokus-pokus o artipisyal na rice shortage para kumita sa importasyon? Kaya ba ng pamahalaan na bilhin ang bigas ng mga lokal na magsasaka para ito ang ibenta ng NFA at nang hindi na tayo aangkat pa sa ibang bansa?
Sa totoo lang, nakakahiya na rin kasi na ang ibang bansa na pinagkukunan natin ng bigas eh sa atin lang natuto na magsaka. Saan ka ba naman nakakita na kung sino ang nagturo, siya pa ngayong nangangamote sa bigas.
Hindi lang naman ngayon nagkaroon ng problema sa suplay ng bigas. Hindi ba noon ay nagkaroon ng kaguluhan at mahabang pila sa bilihan ng NFA rice dahil sa umano’y rice shortage. Ang tanong: maulit kaya ang ganitong sitwasyon?
Anuman ang maging pasya, sana lang ay hindi masakripisyo ang seguridad sa pagkain ng mga mahihirap nating kababayan.
Dapat ding mawakasan at matigil na ang mga kalokohan sa rice importation gaya ng mga kickback, at tiyakin na ang mga mahihirap ang makikinabang sa NFA rice at hindi ang mga commercial trader na ihahalo ang murang NFA rice sa commercial rice para ibenta sa mas mahal na presyo.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)