Uso pa ba ang gentleman?

Marami pa bang lala­king ‘gentleman’ ngayon sa mga kababaihan kapag nakasakay sa pampublikong transportasyon?

Ang mga lalaking kapag may nakatayong babae ay iaalok ang kanilang upuan at sila ang tatayo sa estribo?

Mayroon pa rin naman, kasi ginagawa ko rin ‘yan depende sa situwasyon. Kapag nakita kong buntis, matanda, may kasamang batang paslit, hirap na hirap o nanghihina ang isang babaeng pasahero.

Sa mga walang access sa internet, trending nga­yon sa social media si Miss Olandesca na ipinost sa facebook (FB) ang picture ng lalaking hindi raw nag-alok ng upuan sa kanya habang nakasakay siya sa Metro Rail Transit (MRT).

Ibinalandra niya ang mukha ng lalaki dahil hindi lang siya naka-upo mula Cubao hanggang North Avenue station. Tatlong MRT stations lang naman na halos at wala pang 15 minutes ang biyahe.

Ang laki ng ang problema niya ha? Sa maliit na distansiya na hindi niya pagkaka-upo, hiniya niya sa buong mundo ang lalaki at proud pa sa kanyang nagawa.

Sabi ng babaeng ito sa kanyang post, “kung ano raw ang ipinangit ng mukha ng lalaki, ganundin ka-pangit ng ugali.”

Para bang may napa­kalaking obligasyon ng lalaking iyon na siya ay paupuin dahil siya ay babae para ipahiya ito sa buong mundo sa pamamagitan ng pag-post niya sa FB ng mukha ng lalaki. Kung anu-ano nang pamimintas ang sinabi niya dito dahil lang hindi siya inalok ng upuan.

Ang pagbibigay ng upuan ng isang lalaking ‘gentleman’ ay hindi isang obligasyon kundi ito’y bilang konsiderasyon. Pareho naman silang nagbabayad ng pamasahe. Parehong napapagod at nahihirapan.

Alam kaya niya kung ano trabaho ng lalaki? Baka naman galing sa mahaba at nakakapagod na trabaho ang lalaki kaya hindi na nagawang mag-alok ng upuan?

Baka naman maysakit at masama ang pakiramdam ng lalaki o kaya ay nagugutom at hinang-hina na kaya hindi niya naalok ng upuan ang babae?

Sabi niya pa sa post niya, kung ano raw ang ipinangit ng mukha ng lalaki eh ganundin ka-pangit ng ugali.

Paano kaya niya nasabing pangit ang ugali nito gayong hindi niya personal na kilala ang mamang iyon?

Maging ang social media gaya ng facebook, twitter, instagram at blog ay inaabuso para gantihan at ipahiya ang taong kanilang kinaiinisan.

Subali’t hindi sa lahat ng pagkakataon ay kakampihan kayo ng ‘netizen’ dahil sa istorya na pinost ni Miss Olandesca, mas marami ang ‘bashers’ kaysa sa sumusuporta sa kanya.

Palagay ko ay marami pa rin naman lala­king gentlemen. Kapag inialok ng isang lalaking nakaupo ang kanyang upuan sa isang babaing nakatayo sa bus o sa tren, dapat naman sana ay magiliw itong magpasalamat.

Kung hindi ito ginawa sa inyo, huwag husgahan ang isang tao base lamang sa kanyang panlabas na kaanyuan na para bang napakalaki na ng kanyang kasalanan?

Wala namang batas na nagpaparusa sa mga lalaking nakaupo sa public transportation na hindi nagbibigay ng upuan sa mga kababaihan, ma­liban sa mga PWD, senior citizen at mga buntis.

Ang lesson dito, kung inaakala nating may pagkakamali o pagkukulang ang ibang tao sa atin, bago kumilos para gumanti ay isipin muna natin kung ang ating gagawing reaksyon ay lalong magpapasama ng situwasyon.