Hindi rin ako nakaligtas sa usong sakit ngayong tag-ulan. Nito lang isang linggo, inatake ako ng ubo at sipon. Ilang araw rin akong nagkulong sa bahay para magpalakas. Panaka-naka kasi ang buhos ng ulan.
Bukod sa ulan, unti-unti na ring lumalamig ang panahon kasabay ng papalapit na Kapaskuhan.
Kaya kahit paulit-ulit, hindi pa rin nagsasawa ang mga awtoridad sa pagpapaalala sa publiko.
Una, panatilihing malakas ang immune system sa pamamagitan ng healthy lifestyle.
Para magkaroon ng malakas na pangangatawan, iwasang magpuyat. Matulog nang maaga.
Panatilihing malinis ang katawan. Maligo araw-araw. Kung maaari, hanggang dalawa o tatlong beses na maligo para maginhawa ang pakiramdam.
Umiwas din sa paninigarilyo at pag-inom ng alak. Imbes na ituon ang atensyon sa alak at yosi, kumain na lang ng masusustansiyang pagkain gaya ng prutas at gulay.
Umiwas sa matataong lugar na posibleng pagmulan ng viral infection.
Importante ring magtakip ng bibig at ilong tuwing uubo at babahing.
Importanteng magsuot ng mga damit na akma sa panahon.
Ngayong lagi nang nag-uulan, huwag kalimutang magbitbit ng mga panangga gaya ng payong, kapote at bota. Iwasan ding magpaulan para hindi magkasakit.
Ang sa akin lang, panatilihing malusog ang katawan lalo na ngayong malamig ang panahon at tuloy-tuloy ang pag-uulan para all-year round kang healthy.