Parehong rumampa sa championship round ng UAAP Season 79 beach volleyball tournament ang women’s at men’s squads ng UST matapos ipagpag ang FEU kahapon sa Sands By The Bay.

Kinumpleto ng T­igresses pair nina Cherry Rondina at Jem Gutierrez ang seven-game sweep sa eliminations nang dominahin sina Bernadeth Pons at Kyla Atienza ng Lady Tamaraws 21-14, 21-15.

Napanatili rin nina KR Guzman at Anthony Arbasto ang malinis na kartada ng Tigers pagkatapos ng 21-12, 21-19 panalo kina Richard Solis at Jude Garcia ng Tamaraws.

Sasabak ang women’s at men’s teams ng Uste sa opener ng best-of-three championship laban sa survivors ng stepladder semifinals mamaya. Bukas itutuloy ang ibang Finals matches.

Sinelyuhan ng reigning champion De La Salle U ang huling semis berth nang kalusin nina Kim Fajardo at Tin Tiamzon sina Michelle Morente at Kim Gequillana ng Ateneo 21-6, 21-16.

Tabla ang Lady Spikers at Lady Eagles sa 4-3, nakuha ng Lady Tamaraws (5-2) ang twice-to-beat edge sa stepladder semis.