UST sorpresang frontrunner

Kung University of the Philippines Fighting Maroons ang gumawa ng ingay sa nakaraang 81st season, mukhang panahon na ngayon ng UST Growling Tigers na manorpresa sa UAAP Season 82.

Tapos magsi-graduate ng kanilang mga marquee player tulad nina Jeric Teng, Karim Abdul, Marvin Lee at Louie Vigil, matagal-tagal ding naburo sa ilalim ang mga tigre.

Dalawang season tumapos sa huling spot ang UST, pagpasok ni coach Aldin Ayo ay umangat sa sixth spot.

At ngayon, ang dating nawalan ng pangil ay tila nagbabalik ang bangis dahil sa mga bagong dagdag sa kanilang lineup.

Sa unang laro pa lang ay pasiklab na ang bagong sungkit na si Rhenz Abando, maaalalang dating nakilala ang pangalan sa kanyang block kay UP forward Kobe Paras.

Ngayon ay pinapatunayan niya na bukod sa kakaibang lundag ay kaya ring makipagsabayan sa mga beterano ng collegiate league.

Unang linggo, Player of the Week agad si Abando, nag-average ng 17.0 points, 5.5 boards, at 2.5 dimes sa dalawang laro.

Sa mga interbyu ay kitang ‘di pa sanay sa spotlight ang tubong-La Union, ngunit mukhang dapat nang magpraktis ni Abando sa panayam sa media dahil sa mga susunod na araw ay paniguradong kukuyugin ito sa ganda ng kanyang nilalaro.

Bukod pa kay Abando, pakitang-gilas din ang ka-tandem nito sa bagong ‘Ang Probinsyano’ lineup ng UST na si Mark Nonoy.

‘Di rin siyempre papahuli ang mga holdover ng UST na sina team captain CJ Cansino, Brent Paraiso at Renzo Subido.