UST tinakbuhan ng UE

Kumalas sa dikitang labanan ang University of the East para sikwatin ang 80-67 panalo kontra University of Sto. Tomas kahapon sa FilOil Flying V Preseason Premier Cup sa San Juan.

Sinalpak ni Clark Derige ang tres para pamunuan ang 11-3 run ng Red Warriors at hawakan ang 67-57 lead wala ng 6 minutes sa fourth period.

Nagtala ng 16 points kasama ang apat na triples, dalawa sa payoff period, si Derige. Bumakas ng 15 at 13 sina Alvin Pasaol at Mark Olayon.

Kahit nanalo, hindi gaanong nasiyahan si Red Warriors coach Derrick Pumaren sa inilaro ng kanyang mga bataan.

“Sa huli maganda ang inilaro namin pero sa kaagahan ng laban hindi ko gusto ang ipinakita nila,” pakli ni Pumaren.

Tumikada ng double-double na 14 points at 14 rebounds si Steve Akomo para sa Tigers.

May 2-1 card ang UE, wala pang panalo sa dalawang laro ang UST.