Parehong Catholic school. Palakasan na lang kay Lord!
Maghaharap sa Game 1 ng best-of-three finals ng UAAP Season 82 men’s basketball ang UST Growling Tigers at defending champions Ateneo Blue Eagles simula bukas, Sabado, Nobyembre 16.
‘Di biro ang pinagdaanan ng USTe, mula Rank No. 4 matapos ang eliminations, dumoble kayod upang pagsisilatin ang mga mas pinapaboran sa stepladder semifinals.
Diniskaril ng Sto. Tomas ang FEU Tamaraws nitong Nobyemre 6, 81-71 sa pangunguna nina Soulemane Chabi Yo (25 points, 11 rebounds) Brent Paraiso (18 markers) at Renzo Subido (14 pts.).
Sinunod ng Tigers sa stepladder semis ang No. 2 UP Fighting Maroons na may twice-to-beat advantage.
Minasaker ng España-based ang Maroons Nob. 10, 89-69 kung saan bumida sina Rhenz Abando (17 pts.), Chabi Yo (17 pts. at 15 rebs.) at Mark Nonoy (16 pts.).
Pagsapit ng do-or-die match, tinuluyang buwagin ng mga tigre ang karera ng mga basketbolista ng Diliman, 68-65, nitong Nob. 13 sa bangis nina Chabi Yo (22 pts. at 16 boards), Subido (14 pts.), at Nonoy (12 puntos).
Huling nakasampa sa Finals ang Tigers noong 2015, ngunit bigong makuha ang kampeonato kontra FEU Tamaraws.
Sa kabilang dako, walang bahid ng talo ang mga Atenista sa eliminations kung saan nagbigay benepisyo para makaabante agad sa Finals.
Sa last game nila sa elims Oktubre 30, tinambakan ng ADMU ang State U, 86-64 sa pamumuno ni Angelo Kouame (20 pts., 12 rebs.), SJ Belangel (14 pts.), Will Navarro (13 pts.) at Thirdy Ravena (11 pts.).
Ngayong season, asam ng Blue Eagles ang three-peat championship.
Season 80 Finals nang pabagsakin ng Ateneo ang DLSU Green Archers sa Game 1 (76-70) at Game 3 (88-86) para makuha ang titulo.
Muling naghari noong nakaraang season ang Blue Eagles kontra Peyups via 88-79 at 99-81.
Bukas ang simula sa agawan ng korona ng UST at ADMU sa Game 1 Finals sa Smart Araneta Coliseum. (Janiel Abby Toralba)