Ikinasa ng dalawang mambabatas sa Senado at Kamara ang imbestigasyon sa palpak na rescue mission ng Philippine Embassy sa Kuwait sa ilang problemadong domestic helper (DH) na naging mitsa ng diplomatic row ng Pilipinas at Kuwait.
Dahil sa nasabing insidente, naglaho ang simpatiya ng Kuwait at ilang Arab countries sa sinapit ni Joanna Demafelis sa kamay ng malupit na amo nang itago ito sa freezer sa loob ng isang taon.
Namimiligro din na hindi mapirmahan ang memorandum of understanding (MOU) para sa proteksyon ng Filipino workers sa Gulf state matapos magyabang si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na madidiskaril ang pirmahan ng nasabing kasunduan dahil sa ginawang pagsipa kay Ambassador Renato Villa bunga ng nasabing insidente.
Puntirya ni Senador JV Ejercito na malaman kung sino ang nag-upload ng video sa isinagawang rescue mission na ikinagalit ng mamamayan at ng pamahalaan ng Kuwait dahil sa pagyurak umano sa kanilang soberanya.
Ang rescue mission ay labag umano sa 1961 Vienna Convention on Diplomatic Relations.
“I agree that we should look into the rescue mission including the events that transpired after (especially the posting of the rescue mission on social media),” saad ni Ejercito.
Ang nasabing video ay ipinost ni acting DFA Assistant Secretary for Public Diplomacy Elmer Cato at may titulong “Rescue in the Desert”.
Nais naman ni Gabriela Party-list Rep. Emmi de Jesus, na magkaroon ng on-site visit upang malaman din ang kalagayan ng mga Filipino domestic helper sa Kuwait at iba pang bahagi ng Middle East, sabay banat sa gimik ng mga opisyales ni Cayetano.
“This reckless and self-serving gimmickry is endangering the welfare of thousands of OFWs in Kuwait and creating diplomatic tensions which could spread across Arab states,” babala ni De Jesus.
Sinabi naman ni Senador Risa Hontiveros na tama lang ang pagliligtas sa mga naabusong OFW subalit malaking kamalian na gamitin ang pagliligtas sa kanila para lamang sa pagpapapogi.
“There is a way of rescuing our OFWs without violating the sovereignty of another country,” katuwiran ni Hontiveros. (Aries Cano/Dang Samson-Garcia)