Utak ni Willie wala sa talampakan

Simula kahapon, pagkatapos nang dalawang buwan at kalahating pagkakulong lang sa bahay, ay niyakap na natin ang pansamantalang kalayaan dahil nakapailalim na ang NCR sa general community quarantine.

Pansamantala lang dahil nagpahayag ang mga otoridad na kapag kumapal at nadagdagan ang bilang ng mga biktima ng corona virus ay muling ibabalik sa ECQ ang mga lugar na niluwagan na.

Sa paglabas ng bahay ay kailangang bitbit pa rin natin ang susi ng kaligtasan. Facemask, physical distancing at paghuhugas ng mga kamay.

Maraming binago ang COVID-19, naninibago ang buong mundo ngayon, pero maraming salamat pa rin dahil humihinga tayo nang walang nakatangkeng tulong ng oxygen.

-o0o-

Kasalu-saludo ang pagtanaw ng utang na loob ni Willie Revillame sa ABS-CBN sa kabila ng hindi nila kagandahang paghihiwalay.

Kinasuhan siya ng network, patung-patong na kaso ‘yun na umabot pa sa Supreme Court, nabasura ang mga asuntong isinampa laban sa kanya ng istasyon.

Nang maging panauhin niya si Presidential Spokesman Harry Roque ay pasimpleng nagtangka ang kanyang bisita na apuyan ang kanyang damdamin tungkol sa pagkakasarado ng network.

Maagap si Willie, nasa tamang puwesto ang kanyang isip at puso, wala sa talampakan. Sa marespetong paraan ay naitaboy niya palayo ang gustong maging reaksiyon ng kanyang guest sa pagsasabing nasa puso niya pa rin ang ABS-CBN at malaki ang utang na loob na tinatanaw niya sa istasyon.

Sa Dos nag-ugat ang malawakang popularidad ni Willie sa pamamagitan ng Wowowee. Maraming taon siyang nagserbisyo sa kumpanya hanggang sa dumating na nga ang paghihiwalay nila ng landas.

Masakit sa una ang karanasan para kay Willie, pero sa paglipas nang maraming taon ay natutuhan din niyang tanggapin ang naganap, naging napakabait naman kasi sa kanya ng kapalaran dahil may mga sumalong network sa kanya.

Pinagkatiwalaan siya ng TV5, nang matapos ang kanilang transaksiyon ay dalawang-kamay naman siyang pinapasok ng GMA-7, namamayagpag ngayon ang kanyang Wowowin.

Sa isang mundo na sangkatutak ang mga personalidad na madaling makalimot ay nakakatuwang may isang Willie Revillame na hindi ikinatutuwa ang hindi magandang kapalaran ng isang istasyong minsang nagbigay sa kanya ng kalungkutan.

Parang mag-asawa nga lang naman ‘yun na kapag hindi na masaya sa isa’t isa ay kailangan na lang maghiwalay bago pa mawala ang respetong natitira sa kanila.

Pinagpapala ang mga taong marunong tumanaw ng utang na loob, maraming pintuan at bintanang nagbubukas uli para sa kanila, kung minsan nga ay bubong pa ang nababaklas para sila paulanan ng biyaya.

Mga biyayang ibinabahagi rin ni Willie sa ating mga kababayan lalo na nu’ng kasagsagan ng ECQ sa kanyang Tutok To Win na habang ipinagbabawal pa ang studio audience ay dinaan muna niya sa pagtawag sa kanyang mga tagasubaybay ang pamamahagi nang libu-libong papremyo araw-araw.

Nagpapatawa si Willie sa pakikipag-usap sa kanyang tinatawagan, pero luha naman ng kaligayahan ang maririnig sa sigaw ng kanyang mga nabibiyayaan, hulog nga naman siya ng langit sa panahon ng taghirap dahil sa lockdown.

Milyun-milyon ang sumusubaybay sa kanya sa Facebook, You Tube, Instagram at sa GMA-7.