Inilabas ng Bureau of the Treasury (BTr) ang pinakabagong datos tungkol sa utang ng Pilipinas na sinasabing panibagong record-high na umaabot sa P7.160 trilyong hanggang nitong katapusan pa lang ng Setyembre.

Pero bago pa man may umangal, dapat na malinawan na ang naturang nakalululang halaga ay hindi lang nautang ng kasaluku­yang administrasyon ni President Mayor Rodrigo Duterte. Kasama na rin diyan mga tsong ang mga dating nautang ng nagdaang mga administrasyon na parang sapin-sapin na pumatong.

Pero batay sa inilabas na impormasyon mula sa BTr, ang bagong datos sa utang ng Pilipinas, umangat ng 11.1 porsiyento ang utang ng bansa mula sa da­ting P6.444 trilyon. At para sa kaalaman ng ating kurimaw na hindi marunong magbayad ng utang, mayroong dalawang uri ng utang ang bansa natin — ang domestic debt na umaabot na sa P4.587 trilyon, at ang utang mula sa ibang bansa o foreign debt na nagkakahalaga ng P2.572 trilyon.

Kung inaakala ng iba na bongga ang humina ang piso laban sa dolyar dahil sa mas lumalaki ang naipapadalang dollar remittance ng mga kababayan nating OFW na nangyayari ngayon, isa ang utang ng bansa na apektado nito.

Dahil dollar ang pag-utang natin lalo na siyempre sa ibang bansa, dollar din ang pambayad natin. Sa paghina ng piso, ibig sabihin at mas lalaki ang babayaran natin sa interes o tubo ng mga utang lalo na kapag dumating na ang ‘maturity’ o panahon na kailangan tayong magbayad.

Siyempre, ibang usapan pa diyan ang pagbili ng mga dayuhang produkto gaya ng mga produktong petrolyo na nagmamahal din sa pandaigdigang merkado. Ang resulta, tumataas din ang presyo nito kapag ibinenta na sa atin, na may domino effect naman naman sa bilihin at serbisyo — tulad ng pamasahe.

Sabi noon ng grupong Freedom from Debt Coalition, nasa P6.4 trilyon daw ang mamanahin ng admi­nistrasyon na papalit sa liderato ni dating Pa­ngulong Noynoy Aquino. At kung hahatiin daw ang naturang utang sa bawat Pinoy [pati ang mga sanggol], lalabas na may utang na ang bawat Pinoy ng P62,000.

Kung tama ang sinabi ng FDC noon tungkol sa P6.4 trilyon na ‘naipamanang’ utang daw ni Aquino sa kasalukuyang gobyerno, aba’y kayo na ang magkuwenta kung magkano na ang nadagdag sa utang ng bayan sa nakalipas pa lang na halos tatlong taon? At hindi pa tapos ang buong 2018 kaya asahan na madadagdagan pa ang P7.160 trilyon.

Kung tama ang basa ng Department of Budget and Management sa kanilang bolang kristal, dati nilang sinabi na aabot sa P8 trilyon ang utang ng bayan sa 2019. Katunayan, ang basa nila, magsasara sa P7.33 trilyon ang utang ng bayan sa 2018, na mas mataas siyempre sa P6.65 trilyon noong magsara ang 2017.

Sa kabila ng paglobo ng utang ng bayan, nothing to worry daw sabi ni Budget Secretary Benjamin Diokno dahil nasa tamang sukat naman umano ang laki ng utang at laki ng paglago ng ekonomiya o gross domestic pro­duct.

Ang simple niyang paliwanag, nasa 40 percent daw at bu­mababa pa ang ‘debt-to-GDP’ ng Pilipinas.

At kung nasa 60 percent daw pababa ang debt-to-GDP ratio ng isang bansa, oks daw iyon.

Katunayan, ang ratio daw ng Japan ay nasa 200 percent, at higit 100 percent naman ang US.

Tanong ng ating kurimaw, ibig bang sabihin ni Diokno [na nasabi noon na “cry babies” ang mga umaaray sa mataas na inflation rate] na mas maganda ang lagay ng pana­nalapi at ekonomiya ng Pilipinas kaysa Japan at US? At dapat daw bang ikumpara ang debt-to-GDP ratio ng Pilipinas na isang “developing [kung hindi man third world] country, kum­para sa mga developed country o mauunlad ng bansa gaya ng Japan at US? Paki explain.

At kung noon ay pinuna ni Diokno ang dating administrasyong Arroyo na dahilan ng pagsipa ng utang ng bayan sa P4.2 trilyon noong 2009 mula sa dating P2.2 trilyon lang, aba’y siguro naman ay dapat alam niya ang kung ano ang mga kailangang gawin para hindi na lumubo pa nang lumobo ang utang ng bayan sa ilalim ng kasaluku­yang administrasyon na siya ang namamahala sa budget ng bayan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”