Halos nasa P8 trilyon na ang utang ng Pilipinas hanggang nitong Oktubre 2019, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).

Noong umupo umano ang administrasyong Duterte ay nasa P5.95 tril­yon ang utang ng pamahalaan. Sa ngayon, ayon sa BTr, nasa P7.9 trilyon na ang utang ng bansa.

Nabatid pa na kapos ng P409.1 bilyon ang kinita ng administrasyong mula Enero hanggang Nobyembre nga­yong taon para punan lahat ng gastusin nito.

Ayon sa BTr, umabot lamang sa P2.89 trilyon ang mga kinita sa buwis at mga fees and charges ng binabayaran sa mga ahensiya ng pamahalaan samantalang ang gastusin ay umabot naman sa P3.3 trilyon kaya nagtala ng budget deficit (o ang kulang ng kita sa gastos) ng P409.1 bilyon.

Ang kakulangan ng pondong pambayad ay pinunan sa pamamagitan ng pangungutang.

Ayon sa BTr, P300 bilyon ang inutang ng pamahalaan sa ibang bansa at P680 bilyon naman ang inutang sa loob ng Pilipinas.

Isinulong ng administrasyong Duterte ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law noong 2018 para lumaki ang koleksyon nito sa buwis at magkaroon ng pandagdag na panggastos.

Ang TRAIN ang dahilan kaya nagpataw ng excise tax sa mga produktong petrolyo na nagpasipa sa presyo ng lahat ng mga bilihin.

Muling nagsusulong ng mga bagong buwis para magkaroon pa ng pandagdag na panggastos ang pamahalaan. Nitong Nobyembre, pinagmalaki ng BTr na lumago ng 22.4% ang gastos nito kumpara sa ginastos noong Nobyembre 2018. (Eileen Mencias)