Atty. Claire Castro
Dear Attorney Claire,
Tanong ko lang po. may kapitbahay po ako na nangutang sa akin na di naman po ako nagpapautang sabi niya po na uutang siya ng P20,000 at gumawa kami ng kasunduan na pinipirmahan naman niya na mag-interest siya every month 10% hanggang maibalik niya ang capital pumayag na man po ako.
In 10 month po nagbibigay naman po siya ng interest after that ‘di na nagbibigay hanggang umabot na ng 8 month tapos pagsinisingil po laging sabi niya na sasusunod na.
Anong dapat kong gawin o kaso na puwede kong isampa sa kanya?
Salamat po,
Yolesito
Mr. Yolesito,
Dahil sa may kasunduan kayo tungkol sa iyong pautang at pumayag at pumirma naman siya tungkol sa interest na kanyang babayaran ay hindi niya maiiwasan na bayaran ayon sa inyong napagkasunduan.
Kung sa ngayon ayaw na niyang magbayad ay magpadala ka ng demand letter kung saan isusulat mo o ng abogado mo na kailangan na niyang magbayad ng interest at ng principal na amount.
Kapag hindi siya nakipag-ugnayan at dapat ka nang magsampa ng reklamo sa barangay tungkol sa paniningil ng utang dahil sa magkapitbahay kayo kaya’t sakop kayo sa Katarungang Pambarangay Law na dapat munang dumaan ang reklamo sa barangay upang maisagawa ang lahat ng paraan ng pagaayos bago pa man dumating sa kasuhan sa korte.
Kung sakaling di pa rin maayos ay kakailanganin mo nang humingi ng Certificate to File Action. Maaari nang pumunta sa korte na may sakop kung saan kayo nakatira at magsama ng complaint for small claims.
May form sa MTC Clerk of Court na dapat mong i-fill up at hindi mo na kailangan ng abogado sa ganitong klase ng kaso. Dalhin lamang ang mga orihinal ang dokumento na nagpapatunay ng inyong kasunduan.
***
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410 7624/ 922 0245 o mag email sa attorneyclaire@gmail.com