Wrong timing. No consideration. TRO na may panghuhuli. Nariyan na marahil ang lahat-lahat.

Kumpletos recados na pamaskong handong ng ­LTFRB sa tropang Angkas, isang uri ng ride-hailing mode of transpo na de-motor.

Hindi ito ‘yung “two ride only for p99” na PR stunt ng Angkas kundi ito ‘yung may hagupit na lumalagitgit na uri ng TRO na nakalap ng LTFRB mula mismo sa Korte Suprema na bumusal doon sa naunang desisyong sumasang-ayon sa Angkas na makapag-operate. Galing sa isang RTC Court ng Mandaluyong ang desisyong pabor sa Angkas na makabiyahe.

Ngayon hindi na at may panghuhuling kaakibat pa ngayon sa sinumang lalabag sa SC TRO. Maliban sa 6K na penalty, kukumpiskahin pa ang unit ng kung sinumang Angkaserong mahuhuli ng mga kawani ng LTFRB at iba pang ahensiyang transportasyon.

Mainam ito ngunit may pagka-wrong timing nga lang ito at mistulang walang kunsiderasyon para sa mga mananakay ng Angkas lalo’t kasagsagan ng holiday season kung saan hitik ang trapik araw-araw. Dura lex, sed lex.

The law is harsh but it is the law, ‘ika pa nga ng kasabihan. Tiyak hindi lamang Angkasero kundi pati operators nito ang tatamaan.

***

Katabing bahay namin dito sa Olympia ­Village, Makati ay naulinigan kong kaya niya hanggang P2,500 ng malinis na kita kada araw kung sinisipag siyang bumiyahe. Kung tatamad-tamad naman ay nagkakasya na siya sa P1,500. Hindi pa rin masama.

Ang masama niyan ay baka mauwi sa zero kita siya ngayon at libo-libo pang ibang Angkas riders kung kailan Pasko Na Sinta Ko, sabi pa ni Gary V.

Ngunit sa ganang akin, ang dapat utasin ng LTFRB ay ang mismong app na nagpapagalaw ng operasyon ng Angkas.

Ngunit kapag nagawa na ‘yan, nariyan pa rin ang may mga suki na nagkakakontakan tru text at ang isa pa ay habal-habal. Whew. Abangan ang susunod ng kabanatang Angkas.

Sumulat lamang sa ismaelamigo@yahoo.com.