Utol, 2 pa kinasuhan sa Subic bilyonaryo killing

DOJ

PORMAL nang kinasuhan ng Philippine National Police (PNP) sa Department of Justice (DOJ) ng murder at frustrated murder si Dennis Sytin kaugnay sa umano’y pagpatay sa kapatid nitong si Dominic noong Nobyembre 28, 2018 sa harap ng Lighthouse Hotel sa Subic Bay Freeport Zone.

Kasamang kinasuhan sina Edgardo Luib, 42-anyos at Oliver Fuentes alyas Ryan Rementilla, na umano’y kababata ni Luib.

Si Luib ay nadakip sa Batangas noong Marso 5 kaugnay ng isa pang kaso ng pagpatay.

Inamin nito na binaril niya si Dominic at bodyguard nitong si Efren Espartero ayon na rin umano sa utos ni Dennis kapalit ng malaking halaga.

Ginamit ding ebidensya ng pulisya ang CCTV sa lugar kung saan makikita ang gunman na dumating sa hotel dalawang oras bago ang pamamaril. Nakita rin ang suspek na sumakay ng motorsiklo sa pagtakas.

Gayunman, itinanggi ni Dennis ang pagkakasangkot niya sa krimen.

Personal na tinukoy ng PNP si Dennis bilang mastermind sa pagpatay sa kapatid na negosyanteng si Dominic Sytin, founder at chief executive officer ng United Auctioneers, Inc. (UAI).

Ayon kay Chief Supt. Joel Napoleon Coronel, regional director ng Police Regional Office 3 (Central Luzon), away sa negosyo ng magkapatid ang sinisilip na motibo ng krimen.

Nagkaroon umano ng alitan ang magkapatid na Sytin dahil sa kontrol sa shares of stock sa operasyon ng UAI na pinakamalaking auction firm sa bansa.