Utol ng ASG chief kasamang nagpasabog sa Jolo cathedral

Kumbinsido ang Armed For­ces of the Philippines (AFP) na Abu Sayyaf Group ASG) at hindi ang ISIS terror group ang nasa likod ng magkasunod na pagpapasabog sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu noong Linggo nang umaga kung saan nasa 20 katao ang nasawi at higit 80 ang sugatan.

Unang inihayag kamakalawa ni Col. Gerry Besana, tagapagsalita ng Western Mindanao Command, na base sa kanilang inisyal na imbestigasyon, ang Ajang-Ajang group ng ASG ang may kagagawan ng twin bombing.

Kahapon inihayag ng AFP na isa sa mga suspek sa bomb attack ay kapatid ng isang lider ng ASG.

Patay na umano ang natu­rang lider ng ASG na si Surakah Ingog, pero ang kapatid nito na kinilala sa alyas na Kamah at miyembro ng grupo, ay kabilang sa mga suspek na nakita sa closed-circuit television camera bago pa maganap ang magkasunod na pagsabog.

Kilala umano si Kamah na isang bomb maker.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa twin bombing sa Jolo cathedral.

Bukod sa AFP at Philippine National Police, inatasan na rin ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation na magsagawa ng imbestigasyon sa malagim na insidente.

Samantala, inilagay kahapon ni PNP Director General Oscar Albayalde sa full alert status ang buong bansa matapos ang Jolo twin bombing.