Utol ni mayor patay sa aksidente sa Sorsogon

dead body

Patay ang isang 44-anyos na negosyante at kapatid ni Irosin, Sorsogon Mayor Alfredo Cielo matapos salpukin ng rumaragasang trak ang sinasakyan nitong pick-up kamakalawa ng hapon sa Juban, Sorsogon.

Dead-on-the-spot dahil sa grabeng pinsalang tinamo sa ulo at katawan ang biktimang nakilalang si Michael Jao Cielo, residente ng Barangay San Pedro sa bayan ng Irosin.
Samantala, nakakulong na at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to properties ang suspek na si Isagani Senia, drayber ng Isuzu Elf truck na bumangga sa sasakyan ng biktima.

Sa ulat na isinumite ni Sr. Insp. Christine Llorin, chief of police ng Juban Municipal Police Station (MPS) sa Sorsogon Police Provincial Office (PPO), naganap ang insidente dakong alas-dos ng hapon sa pakurbang kalsada sa kahabaan ng Maharlika Highway sakop ng Barangay Bacolod ng nabatid na bayan.

Napag-alaman na lulan ng Toyota Hilux ang biktima at binabagtas ang lugar nang bigla na lang umanong aksidenteng mabangga ng trak sa kanang bahagi ng kanyang sasakyan.

Dahil sa kakatapos lang umulan at may kabilisan ang pagpapatakbo ay dumausdos sa kalsada ang sasakyan ng biktima at sumalpok ito sa konkretong tulay dahilan ng agarang pagkamatay ni Cielo.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa pangyayari habang nakapiit na ang suspek sa Juban MPS detention cell.