Pitong suspek sa iligal na droga ang naaresto ng mga operatiba ng pulisya sa Antipolo City nitong Martes ng gabi at kabilang sa mga dinampot ang diumano’y half-sister ng aktres na si Patricia Javier.

Base sa inisyal na ulat ng pulisya, dakong alas-10:35 ng gabi nang masakote sa isang subdibisyon sa Brgy. Mayamot, Antipolo City ang kapatid ni Patricia na kinilalang si Margie Lyn Canlapan at ang kinakasama nitong si Joemar Maderazo kabilang ang lima pang suspek matapos na magbenta ng P500 halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng Antipolo City Police.

Naaktuhan umano ang mga suspek sa bahay ni Canlapan habang gumagamit ng droga.

Labing-isang sachet ng hinihinalang shabu ang nasamsam umano sa mga suspek at nakakuha rin sa lugar nila ng timbangan at iba pang drug paraphernalia.

Sasampahan sila ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.