Todas sa sariling kapatid ang isang 42-anyos na lalake, makaraang pagsasaksakin sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng 44-anyos na suspek sa Lian, Batangas kamakalawa ng hapon.

Ayon sa ulat ni PO3 Primitivo Dayandayan ng Lian Municipal Police Station, nagtamo ng anim na saksak sa likod, braso at hita ang biktimang si Erwin Limjoco y Arellano, mula sa senglot na kuya nitong si Dennis Limjoco y Arellano, kapwa residente ng Brgy. Poblacion 5, Lian Batangas dakong alas-kwatro ng hapon.

Sa bayan naman ng San Jose Batangas, nadiskubre ang bangkay ng hindi pa nakikilalang babae sa masukal na lugar ng Sitio Putol Brgy. Taysan na may apat na saksak sa likod at leeg, alas-3:20 ng hapon kamakalawa.

Nabatid sa San Jose MPS na mamimitas sana ng lansones sina Ricky Boy Pandaan y Matutino, Ronnie Macion y Atienza at Alexander Bautista y Atienza nang maispatan nila ang halos agnas ng bangkay ng biktima, kaya’t agad nilang ipinagbigay-alam sa pulisya.