Dahil sa pandemic na dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), nagdesisyon ang Department of Education (DepEd) kahapon na wala muna isasagawang graduation rites sa buong bansa.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, ito ay dahil sa umiiral ang Luzon-wide Enhanced Community Quarantine (ECQ) na ginagawa na din sa Visayas at Mindanao
“Alam natin na closed na ang classes, tapos na, pero walang graduation. I know disappointment ito para sa mga pamilya pero under present condition hindi natin ito pinahihintulutan,” pahayag ni Briones sa isang TV interview kahapon.
“Pero makuha nila ‘yung mga record nila sa school, makuha nila yung certificate nila but not necessarily magkita-kita ‘yung mga lola, mga parent at mga teacher,” dagdag pa ng kalihim.
Ipinagbabawal ang mga mass gatherings ngayong panahon ng ECQ upang maiwasan ang pagkalat ng virus kung saan nagpostibo din sa nasabing sakit si Briones base sa resulta na lumabas nitong Abril 8.
Kahapon ay inanunsyo ng kalihim na nagnegatibo na siya sa ikalawang confirmatory test sa sakit ng COVID-19.
Samantala patuloy naman ang ginagawang konsultasyon ng DepEd sa mga magulang at mga stakeholders para sa pagbubukas ng klase ngayong taong 2020.
“Mayroong iba gusto nila i-move to July or August ang enrollment pero ang ano namin diyan, kung i-move ‘yan, permanente na ‘yang i-move talaga,” saad ni Briones.(Edwin Balasa/Vicky Aquino)