Utos ni Digong kay CJ Peralta: Maging patas at totoo

Katotohanan at maging patas sa lahat ng Pilipino.

Ito ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte kay bagong Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta matapos manumpa sa kanya sa Malacañang noong Huwebes nang hapon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na walang ibang hini­ling ang Pangulo kay Peralta kundi ang maging patas ito at isulong ang katotohanan sa lahat ng mga mahahalagang desisyon sa Korte Suprema.

Dapat aniyang maging pantay-pantay ang trato sa lahat ng Pilipino anuman ang kalagayan o estado sa buhay.

“PRRD told him that all he asks is that the SC under his watch should be characterised with fairness and truth. That every citizen be treated equal before the law regardless of the status in life,” ani Panelo.

Ang oath taking ni Peralta ay priba­dong aktibidad at hindi ito binuksan para sa mga mamamahayag.

Kasama ng bagong Chief Justice ang kanyang buong pamilya, kabilang ang kanyang ina, asawa at mga anak nang manumpa ito kay Pangulong Duterte. (Aileen Taliping)