Finals Game 3 ngayon: (Ynares Center, Antipolo)
6:30 pm – Magnolia vs. Alaska
Hotshots lead series 2-0

Nakadalawang panalo na ang Magnolia Pambansang Manok Hotshots kontra Alaska sa PBA Governors Cup Finals, pero mahigpit pa rin ang bilin ni coach Chito Victolero sa kanyang players – bawal mag-relax.

Mas inaasahan ni Victolero ang matinding fight-back ng Aces nga­yong nabaon na sila.

“We expect every battle with Alaska is a very tight game,” ani Victolero pagkatapos ng 77-71 Game 2 win sa Smart Araneta Coliseum Biyernes ng gabi.

Darating ang giyera sa Game 3 mamaya na dadayo sa Ynares Center sa Antipolo.

Kontrolado ng Aces ang first half ng laro, ami­nado si Victolero na hindi sila nakasabay.

“We’re one step late in offensive rebounding, second chance points, fastbreaks,” anang coach. “So I talked to my pla­yers na if we can’t match up the aggressiveness of Alaska in the second half, we can’t win this game.”

Rumesponde sina Romeo Travis, Jio Jalalon, Mark Barroca at Paul Lee, at nakabalik ang Hotshots.

“Nadagdagan ‘yun energy, ‘yung aggressiveness namin sa se­cond half,” dagdag ni Victolero, buong season ay ngayon lang tinalo ang Alaska, dalawang sunod pa. “Credit also to my import who was very composed doing the runs, and also his leadership.”

Hindi humiwalay ang Magnolia sa likod ng Alaska buong third quarter, bago tinapakan ang silinyador sa fourth.

Hindi pinaiskor ng Hotshots ang kalaban mula sa final 4:55. Hu­ling pasok sa scoreboard ng Aces ang dalawang free throws ni Mike Harris para sa 71-70 lead.

Habang nagkukumahog sa 0 for 9 shooting ang Alaska, tinapos naman ng Magnolia ang laro sa 7-0 run huli ang pandiin na dakdak ni Rafi Reavis na may kasama pang lambitin sa rim.

Mula sa field ay 10 of 23 lang si Travis pero tumapos ng 24 points at may 9 rebounds. Umayuda ng 11 points si Ian Sangalang, may 8 mar­kers si Lee. Tumapos si Jalalon ng 7 points, 7 rebounds at 7 assists.

Namuno ang 22 points at 13 rebounds ni Harris sa Aces, 10 points si Vic Manuel at 9 points kay Chris Banchero. (Vladi Eduarte)