Uubusin ang bulok sa QCPD

for-the-record-jen-box jeany lacorte

Walang lulusot na mga bulok na miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) patunay ang sunud-sunod na pagsibak ni Quezon City Police Director Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar sa mga pulis na nasasangkot sa katiwalian sa QCPD.

Kamakailan lamang ay bumingo ang dalawang babaeng pulis ng Talipapa Police Station na nahuling nangikil ng P5,000 mula sa isang babae na nagpasyang iurong ang reklamong concubinage laban sa kanyang asawa.

Ang dalawa ay nahuling tumanggap ng pera bilang “miscellaneous fee” mula sa complainant. Ginawa ang transaksyon sa loob pa mismo ng tanggapan ni SPO2 Helen Banguel, head ng Talipapa station women and children protection desk kasama ang kasapat nitong pulis din na si PO1 Mayet Eblahan.

Hindi lamang ang dalawang pulis-Talipapa kundi ang bumingo dahil sibak din mula sa QCPD ang tatlo pang pulis na may ranggong PO2 at PO3 at mula sa Tactical Motorized Unit na inaakusahan din ng extortion. Nangikil umano ang tatlo ng isang milyong piso mula sa mga drug suspect na kanilang naaresto sa Barangay Loyola Heights sa Quezon City.

Naipaalam ang insidenteng ito kay PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa. Kaya bukod sa pagkakasibak, iniutos rin na mailipat ang tatlong pulis sa Autonomous Region in Muslim Mindanao habang nakabinbin ang imbestigasyon sa kanila.

Nakaraan ding Nobyembre ay apat na pulis na may ranggong PO1, PO2 at PO3 ang inilipat din sa ARMM matapos sibakin dahil din sa robbery extortion.

Napakaraming mga pulis ang pinagsisibak ni Eleazar dahil sa katiwalian na sa aking palagay ay tama lamang gawin upang hindi na makahawa pa.

Para kasi kay Eleazar, pagdating sa paglilinis sa hanay ng pulisya, wala dapat na pinalalagpas at walang dapat na nakokompromiso.

Pursigido ang opisyal na ipatupad ang paglilinis sa QCPD dahil gaya ng paulit-ulit niyang ipinupunto at isinasakatuparan kailangan ang transplant bilang tugon sa problema.

Ang transplant na ito ay gagawin sa pamamagitan ng pagwalis sa mga pulis na may mga bahid na para hindi na makahawa pa ng iba.

Pero higit sa transplant, naniniwala si Eleazar na dapat simulang tugunan ang problema sa pinakaugat, sa kung saan nga ba nagsisimulang sanayin ang mga pulis.

Ipinunto rin ni Director Eleazar na panahon na para masuri nang husto ang pagsasanay na pinagdaraanan ng mga nagpupulis.

Sa training kasi nagsisimula ang tinatawag na values formation, ang mga prinsipyong dapat na maitanim sa puso at isip ng mga nagnanais na maging pulis. Sa paraang ito, maitataguyod nang husto ang dignidad sa mga suot na uniporme ng mga pulis.

Pero ano nga ba ang konkretong solusyon dito?Sa kasalukuyang sistema, ang police training ay hawak ng Philippine Public Safety College na nasa ilalim ng Department of Interior and Local Government.

Gayunman, naniniwala si Eleazar na panahon na para ang schooling o police training ay hawakan na mismo ng PNP nang sa gayon ay maging mas mabusisi ang pagsasanay at mas maayos na maipunla ang pundasyon sa values o katangian na dapat ay taglayin ng isang miyembro ng Pambansang Pulisya.