Mga laro ngayon (PhilSports Arena)
4:00 p.m. — Ateneo vs. FEU (V-League)
6:00 p.m. — NU vs. UP (V-League)

Kakalabanin ng defending champion National University at runner-up Ateneo ang magkahiwalay na karibal sa best-of-three semifinals para muling magharap sa kampeonato ng Shakey’s V-League Collegiate Conference sa PhilSports Arena sa Pasig ngayon.

Haharapin ng NU ang University of the Philippines sa main game pagkatapos ng sagupaan ng Ateneo at top seed Far Eastern University.

Aasa ang Lady Bulldogs kina Aiko Urdas, Jorelle Singh, Joy Doromal, Risa Sato at Jasmine Nabor sakaling hindi makalaro si Jaja Santiago na kasaluku­yang nasa Biñan, Laguna para sa Foton Pilipinas na kumakampanya sa 2016 AVC Asian Women’s Club Cham­pionship.

Babangko naman ang Lady Maroons sa pinagsamang opensa nina Isa Molde, Kathy Bersola, Diana Carlos, Nicole Tiamzon at Justine Dorog.

Isasagupa ni FEU coach Shaq delos Santos sina Remy Palma, Toni Basas, Heather Guino-o, Bernadeth Pons at setter Kyle Negrito kina Michelle Morente, Kim Gequillana, Ana Gopico, Ponggay Gaston at Bea de Leon ng Lady Eagles.