Valdez, Morado ‘no way’ sa PSL

Problema agad.

Hindi pinayagan sina Alyssa Valdez at Jia Morado ng kanilang mother teams na makapaglaro para sa Philippine wo­men’s volleyball squad na sasabak sa Philippine Superliga (PSL) Invitational Conference simula Hunyo 23.

Nagpadala na ang Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. (LVPI) ng sulat sa pamunuan ng Creamline nakaraang linggo na hinihiling na payagan ang 2 balibolista na makapag-ensayo kasama ang pambansang koponan pero hanggang sa kasalukuyan ay walang sagot ang namamahala sa koponan.

Sina Valdez at Morado ay kapwa may sinusunod na kasunduan sa kinaaanibang koponan na Creamline.

Kinakailangan din ng LVPI na matapos makuha ang permiso ng pamunuan ng Creamline ay kausapin ang opisyales ng Premier Volleyball League kung saan kasalukuyang kalahok ang Cool Smashers.

Nakatakda din umalis ang pambansang koponan para magsanay sa Japan kung saan magtutungo ito sa tatlong lungsod upang makaharap ang ilang koponan bilang parte ng kanilang pagsasanay.

Sisimulan ang PSL Invitational Conference sa Sabado sa Smart Araneta Coliseum kalahok ang national women’s volley team habang malapit na magtapos ang PVL Reinforced Conference na nasa round-robin quarterfinal stage kung saan ang Creamline ay awtomatikong semifina­list.